Heto na naman ako sa food court ng Ali Mall. Gaya ng dati,
magsusulat na naman ako ng aking mga kawirduhan habang hinihintay ang 8:30
night trip ng Isarog na mag-uuwi sa akin sa Naga.
Ganitong-ganito rin may tatlong taon na ang nakakaraan. Wala
pa ring pinagbago ang Ali Mall. Tambayan pa rin ito ng mga biyaherong tulad ko.
Noon, kahit alam ko kung saan ako dadalhin ng bus matapos ang walong oras ng
pagtulog sa biyahe, tila wala pa ring katahimikan ang aking pag-iisip. At kahit
alam kong may pamilyang nakaabang sa akin sa bus terminal upang ihatid ako sa
aming tahanan, alam kong babalik ako dito upang magsayang ng oras sa mga mall,
sa MRT, sa mga sidewalk, sa mga sinehan at mga overpass ng Maynilang pilit kong
inaangkin. Babalik ako para magkunwaring dito ako nababagay.
Tatlong taon din yun. At tatlong taon na rin ang nakakaraan
noong huli akong umupo dito sa Food Court at sumumpa na hindi ko na babalikan
ang bawat lugar na nagpapaalala sa akin ng mga tagumpay at kabiguan ko sa
pinili kong landas.
Ang totoo, makailang ulit na akong bumalik dito sa food
court. Ngunit sa pagkakataong ito, masaya na ako. Alam kong kahit ilang beses
pa akong maghintay dito, mayroon akong babalikan, doon kung saan ako masaya,
doon kung saan laging may naghihintay sa akin at nagmamahal ng walang kapalit,
doon kung nasaan ang puso ko.
Isinulat noong
September 1, 2006 sa Food Court ng Ali Mall, Araneta Center, Cubao, 6:30-6:54 ng
gabi.
No comments:
Post a Comment